Give donation to Consortium

Monday, June 01, 2009

Na-comatose sa loob ng 8 buwan mula sa Jeddah nagkamalay na

 

Ang Migrante International ang isa sa pinakamalaking alyansa ng migranteng Pilipino ay kinukundena ang kawalang aksyon ng pamahalaan lalo na ang Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa naging kalagayan ni Ruben de Leon Jr, 25 taong gulang, isang kasambahay sa Jeddah, Saudi Arabia.

 

"Ang OFW na si Ruben, matapos na macomatose sa loob ng halos 8 buwan at mamalagi sa loob ng Dr. Soliman Fakeeh Hospital mula sa pagkakabundol ng minamaneho ng isang 16 na taong gulang na lalaking Arabo, ay kasalukuyan ng nakakakilala ang mga kaibigan at mga taong nakahalubilo na nya," sabi ni Gina Esguerra, Pangkalahatang Kalihim ng Migrante International.

 

Sabi ni Esguerra, "ang aksidente ay naganap noong pang nakaraang taon at mismong ang nanay ni Ruben na si Marissa de Leon ang humingi ng tulong sa opisina ng Migrante dahil sa naging problema nito sa paroon at parito sa iba't-ibang ahensya ng pamahalaan na wala naman pang kongkretong ginagawa para matulungan sila sa usaping medikal para kay Ruben."

 

"Wala nang nagiging tulong ang OWWA at ang DFA sa maraming kaso na ng mga kababayan natin, lalo na kung ang pag-uusapan ay ang tulong medikal. Mismong sa ina pa nga ni Ruben nanghihingi ng ulat ng pulisya ang DFA hinggil sa naganap na aksidente," tugon ni Esguerra. "Sobra na ang pagkainutil ng ating gobyerno. Sa kabila ng pagmamalaki nito na mas uunlad pa daw ang ating ekonomiya dahil sa mga remitans ay patuloy namang magsasakripisyo, sa ilalim ng malawakang pagpapaalis sa bansa sa pagtratrabaho, ang mga kaawa-awang mga kababayan nating Pilipino," dagdag ni Esguerra.

 

Ang kasong inilapit ni Mrs. Marissa, ina ni Ruben, sa DFA- ang PCG ng Jeddah at sa OWWA ay hindi naaksyunan sa loob ng 8 buwan mula nang ang ahensya ni Ruben ay tumangging matutulungan sila sa mga bayarin sa medikasyon. "Sa paulit-ulit na namang pangyayari, mula sa mga bangkay na hindi napapauwi, mga natanggal sa trabaho at hanggang sa aksidenteng dapat na pagbayarin din ang dayuhang may sala at kawalang aksyon din ng gobyernong nakipagkasundo sa polisiya ng paggawa, ay inutil at nagsasawalang-kibo pa rin ang administrasyong-Arroyo," turan ni Esguerra.

 

"Ngayong medyo nagiging positibo ang kalagayan ni Ruben, ay hinahamon namin si Undersecretary Esteban Conejos upang bulabugin ang atensyon ng PCG sa Jeddah upang kagyat na imbestigahan, papanagutin at bigyan na karampatang aksyon sa naging kalagayan ni Ruben," sabi ng Pangkalahatang Kalihim.

 

Sa pagtatapos ni Esguerra, "Ang mga paparaming bilang ng suliranin, na matagal nang kinakaharap ng mga OFWs lalo na sa bansang Saudi Arabia, ay indikasyon na ang bansa natin ay wala talagang ganap na pagsulong. Ito ay implikasyon ng kawalang programa ng gobyerno para lamang masabi na nabigyan ng trabaho ang ating mga kababayan. Kahit hindi isaalang-alang ang kapakanan ng mga manggagawa ay patuloy pa rin ang pagpapaalis para lamang makakuha ng kita mula sa remitans upang patuloy na ipangalandakan ang pag-unlad daw ng ating bayan!"

No comments:

Post a Comment