Give donation to Consortium

Thursday, July 02, 2009

Letter Pinoy On Saudi Deathrow

Ako po si Rodelio Don2 Lanuza  na kasalukuyang nakapiit sa Dammam Central Jail, Kingdom of Saudi Arabia mula pa nuong Agosto taong 2000.

Nahatulan po ako ng parusang KAMATAYAN sa kasalanang nagawa ng di sinasadya. Marami po ang nakaka-alam ng aking mapait na sinapit at marami din po ang hindi nakaka-alam.

Marami na din po ang tumalikod at galit sa aking pagkatao o sa pag-uugali dahilan sa mga nangyayaring kalbaryo sa aking tinatahatak sa ngayon. Marami din po ang malalawak na pang-unawa at nakaka-intindi na magpa-hanggang ngayon at nasa likod ko sila para alalayan ako sa aking masamang katayuan. May pamilya po ako at 2 anak na nangangailangan ng tulong pinansyal.

Ako po ay inyong pagpasensyahan sa patuloy kong pang-iistorbo na paghingi ng tulong para sa kanila sapagkat sadyang di po kaya naming mag-asawa na tustusan ang kanilang pangangailangan. Kung mapapansin ninyo din po na si May Vecina ng Kuwait Deathrow ay nailigtas at nakauwi na po sa mga mahal niya sa buhay.

At ngayon po ay si Jakatia Pawa naman sa Kuwait din ang inaasikaso ng ating pamahalaan at nag-released pa po ng malaking halaga na pondo na gagamitin para sa kanyang kalayaan. Ako po sa inyong harapan na nakaluhod na nagmamakaawa at umaapila na ipaabot sa Presidente ng Pilipinas na bigyang pansin ang aking Kaso. Ako po ay walang tiwala sa ating Embahada dito sa Saudi Arabia sa kadahilanan na puro PANGAKO at SALITA na WALANG KATIBAYAN NA MAY GINAGAWA O NAGAWA PARA MAILIGTAS ANG AKING BUHAY SA PARUSANG KAMATAYAN!

Bawat araw na nakakalipas ay siyang papalapit sa oras ng aking kamatayan! Bakit di po kausapin ng masinsinan ni Ambassador Villamor ang ating Pangulo ng Pilipinas na kausapin ang Hari ng Saudi Arabia? Kikilos lang po ba ang ating gobyerno kung ako ay nakasalang na sa lugar ng pugutan?

Bakit di po magpunta si Vice President De Castro dito sa Saudi Arabia para kausapin ang Hari gaya ng ginawa niya kay May Vecina at Marilou Ranario sa Kuwait na personal niya na kinausap ang Hari ng Kuwait para iapela ang kanilang Kaso? May pinugutan po dito 3 days ago na tumagal ng 17 years na paghihintay ngunit di na pinatawad ng pamilya ng kanyang nasaktan.

Kailangang umabot pa po ba ako sa ganito bago kumilos ang pilipinas? Di na po ako mapakali at makatulog ng maayos sa mga oras na ito. Mga Kapatid kami po ng aking pamilya ay umaapila sa inyo na bigyang pansin ang aking Kaso na manawagan sa ating pamahalaan na isalba ako sa parusang kamatayan.

Utang na loob po konting pansin at oras para sa aking kahilingan.

Maraming salamat po at ako po ay umaasa sa inyong pagkilos sa aking kahilingan. Patnubayan po tayo ng Poong Maykapal.

Gumagalang
Rodelio Don2 Lanuza
OFW in Deathrow (K.S.A.)
+966530049153
+966543519042

No comments:

Post a Comment