Isang liham mula kay Amer Gonzales
Heto ay isang tunay na kwento base sa isang karanasan na ipinapasa sa email kung paano nabubuhay ang Pinoy sa Oman at Dubai..
Ang Kwento sa Oman at Dubai
Mula ng bata, hindi ko pinangarap na mangibang bansa. Pero noon pa man, alam ko na kapag nasa abroad ka - yayaman ka. Lumaki ako na may malalaking kahon mula sa amang nasa Saudi. Imported na laruan, pagkain, chocolates, gadgets, name it meron kami. Naninilaw pa nga ang mga kapatid ko, hindi dahil sa hepa kundi dahil sa ginto! Ubas at mansanas ang meron sa Tate sabi ng kalaro ko, kaya paulit ulit kong sinasabe na nakakain din un ng Tatay ko. Hanggang sa magkaisip ako, natapos at nagtrabaho. Wala na ang kinang na pinagpaguran ng ama sa Gitnang Silangan. Palibhasa nga at may ibang dedikasyon, naubos na rin ng panahon ang kabataan. Kuntento ako sa buhay ko noon, sumasahod ng sapat para sa sarili, may pangbili ng pagkain pang-alis ng pagod sa maghapong trabaho at panlibre sa sandamakmak na pamangkin kahit isang supot na kendi. Mahal ko nga siguro ang Pinas pero hindi sapat ang pagmamahal lang. Tumatanda na ang magulang ko, tumatakbo na rin ang oras ko.
Lumisan ako sa tulong ng malapit na kaibigan, baon ang isang bungkos na panalangin at isang libong lakas ng loob - inilaban ko ang sarili sa estrangherong bansa. Makailang beses kong gustong sumuko sa tuwing nabibilad sa sikat ng tirik na tirik na araw habang naliligaw sa kakahanap ng trabaho. Tumutulo ng kusa ang luha sa tuwing sasapit ang gabi sa pangungulila sa mga mahal sa buhay. Napupuno ng takot kapag may sasakyan pilit akong sinusundan habang daan pauwi. Maswerte pa rin ako at wala akong malupit na karanasang sinapit pero dama ko pa rin ang hirap at sakit ng mga tao sa paligid ko. Alam ko at batid ko ang bigat ng kanilang nararamdaman. Mga magulang, kapatid, anak - kanya kanyang papel sa buhay; sumugal para sa kaginhawahang pangako ng Dubai.
Pinalad ako sa napasukang hanap-buhay, nabigyan ako ng pagkakataon ipamalas ang likas na talento pero dumaan ako sa butas ng karayom dahil sa panlalait ng mga panito at ibang lahing kasama sa trabaho. May mga pagkakataong ayoko ng bumangon sa hinihigan ko, makatakas lang sa talim ng kanilang mga mata. Madaling magtiis, nawawala ang pagod at napapalitan ng ligaya kapag sumasapit ang araw ng sahod. Paulit ulit ang bilang sa kakarampot na kinita, baka nga naman sakaling dumami pa. Mabilis pa sa alas-kwatro sa pagpila sa pagpapadala." Bawas na rin ang utang ko sa wakas"," may pangtuition na mga kapatid ko", "may pangpagamot na si nanay", "matatapos na rin mabayaran ang lupa namin", "mapapalitan na ang bubong ng bahay" at kung anu anu pang mga usal ng mga taong katabi ko. Pagkatapos ay abalang abala naman sa pamimili para mapuno na ang kahon at maipadala para umabot sa Pasko. Pilit ginugunita kung sino nga ba ang hindi pa nya naiilista, nagdadalawang isip kung kasukat ba ang kanyang nabili.
Pinagmamasdan ko ang mga kapwa pinoy expat ng minsan napatambay sa mall, halos iisa lang pala ang aming mga dahilan - ang kumita ng malaki para sa pamilyang tiniis na mawalay maibigay lang ang pinangarap na maayos na buhay. Maraming mga ina at ama ang nagpalipas ng paglaki ng kanilang mga anak, mga anak na hindi na nasubaybayan ang mga magulang sa kanilang pagtanda at mga magkakapatid na nagkawatak-watak. Kanya kanyang kwento, kanya kanyang laban. Sana lang, maisip nila na nandito kami hindi para magpasarap. Na sa tuwing sasagutin ang aming mga tawag gusto rin naman namin marinig na maayos ang lahat at hindi kami tratuhin na parang ATM machine na 24/7 nakaabang sa pagluwa ng pera. Hindi pinapala at natitisod ang barya. Pinatatatag kami ng ngiti at halakhak na nagmumula sa inyo. Ang pisong pangangamusta mula sa pamilya, walang katumbas na halaga ang ligayang nadarama...
Original na akda ng naglathala base sa sariling karanasan at obserbasyon.
No comments:
Post a Comment