Naglatag ngayon si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ng mga konkretong hakbang para tulungan ang mga manggagawang Pinoy na natatanggal sa trabaho dahil sa global recession.
Isinulong ni Jinggoy ang mga rekomendasyon sa ginanap na “multi-sectoral workshop on the effects of the global economic crisis” sa Occupational Safety and Health Center sa Diliman, Quezon City .
Ang workshop ay isa ring panukala ni Jinggoy, na agad namang inorganisa ng Department of Labor and Employment (DoLE) upang makabalangkas ng “action plans” sa harap ng malawakang pagkatanggal sa trabaho ng maraming Pinoy workers sa loob at labas ng bansa.
“Sa workshop na ito ay masusuri natin ang epekto ng global economic crisis sa ating mga manggagawa at kabuuang ekonomiya, upang maging gabay sa pagbalangkas natin ng kaukulang solusyon,” ayon kay Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment (COCLE).
“Dahil din sa kabigatan ng problemang ito at sa pangangailangan ng mabilisang aksyon ay inilalatag na agad natin ang ilang konkretong hakbang na pwedeng i-adopt sa workshop at agad na ring ipatupad,” dagdag ng senador.
Ilan sa mga rekomendasyon ni Estrada ay ang mga sumusunod:
- Paglalaan ng pamahalaan ng “special package of fiscal and non-fiscal incentives”o kalipunan ng mga insentibo para sa mga kumpanyang magbibigay ng retraining at panibagong trabaho sa mga na-layoff na manggagawa; at,
- Implementasyon ng “barangay-based retraining and hiring program” sa mga kumpanyang tinutulungan ng pamahalaan sa ilalim ng Barangay Micro Business Enterprise (BMBE) law (Republic Act 9178) upang magbigay ng pagsasanay at alternatibong hanapbuhay sa mga apektadong manggagawa.
Pinapurihan ni Estrada si Labor Secretary Marianito Roque sa pagtugon nito at pag-organisa ng kanyang panukalang workshop, at sa pagsusulong ng kanyang mungkahing “special incentives package” sa pamamagitan ng pakikipagkasundo ng DoLE sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry (FFCCCII) para muling i-empleyo ang mga na-layoff na manggagawa mula sa ibat-ibang kumpanya.
No comments:
Post a Comment