Give donation to Consortium

Wednesday, June 22, 2011

Pinoy natagpuang patay sa South Korea


 

June 3, 2011 -- Natagpuan ang wala ng buhay na katawan ng 28 anyos na si Arnel Sigua. Si Arnel Sigua ay tubong San Agustin, Lubao, Pampanga at nagpunta sa South Korea upang maghanapbuhay. Siya ay isang legal na manggagawa sa Jamin Album Company sa Paju, Kyeonggido, South Korea sa ilalim ng iskemang Employment Permit System. Ito ang iskema ng ating gobyerno upang makapagtrabaho ng legal ang mga Pilipino sa South Korea.

 

Ayon sa mga kapulisan, isa itong pagpapakamatay base narin sa mga sulat na nakita sa kanyang kwarto at sa posisyon ng kanyang katawan. Nanawagan ang pamilya ng namatay sa embahada ng Pilipinas na tulungan silang maipauwi ang mga labi ni Sigua. Lalong nahirapan ang pamilya ni Sigua ng malamang hindi kakayanin ng employer ang pagpapauwi sa bangkay dahil hindi naman konektado ang pagkamatay ng huli sa kanyang trabaho.

 

Bilang miyembro ng OWWA, responsibilidad nito ang gumawa ng hakbang upang mabilis na maipauwi ang bangkay ni Sigua. Ngunit sa simula palang nakita na ang kalamigan sa pag-aasikaso ng POLO-OWWA kay Arnel. Wala man lang nagpunta na representante nila sa pinangyarihan ng aksidente. At tanging sa telepono lamang nakikipag ugnayan sa kanyang employer.

 

June 18, 2011, ibinalita ng Embahada ng Pilipinas na maipapauwi na ang mga labi ni Sigua. Sakay diumano ng Flight PR 469 na umalis ng Incheon sa ganap na 8:30 ng gabi at lumapag ng NAIA ng 11:40 ng gabi. Ngunit walang labi ni Arnel Sigua ang lumapag sa NAIA. Naghintay magdamag ang pamilya ni Sigua, nagbabaksakaling nakarating ito sa bansa. Umaasa at hawak lamang ang mga sinabi ng Embahada na naipauwi na ang bangkay ng kanilang mahal sa buhay.

 

Ang tanong ng pamilya ni Sigua, bakit hindi nakauwi ang bangkay niya? Ano ang maaring naging problema. Ngunit dahil sa pagwawalang bahala ng mga tauhan ng embahada at ng OWWA, wala ni isa sakanila ang  makasagot kung bakit hindi nakauwi ang bangkay ni Arnel Sigua noong gabing iyon.

 

Ayon kay  Pol Par, ang tagapanggulo ng Katipunan ng mga Samahang Migranteng Manggagawa sa Korea (KASAMMMA-KO), Ang kapalpakan ng embahada ang syang nag papatunay na walang maaasahan ang mga tinatawag na mga "bagong bayani" na serbisyng publiko na pinangangalandakan ng pamahalaan. Hindi ba't miyembro si Arnel Sigua ng OWWA? At ito'y nararapat lamang na mabigyan ng sapat na atensyon bilang miyembro o kasapi ng asosasyong ito? Ngunit ano ang nangyari? Hihintayin pa ba nating maulit ito ng isa o dalawa o tatlong beses pa?

 

 Sumalamin ang kapalpakan ng Pamahalaang Aquino sa lahat ng ahensya ng ating lipunan subalit kahit na ano ang panawagan natin sa tunay na matuwid na daan hindi ito magaganap dahil ang mismong nakaupo ay nagbibingi bingihan sa daing ng maraming Pilipino.

 

No comments:

Post a Comment