"Nagmimistulang buwayang nakanganga at nakaabang ang pamahalaang Pilipinas sa bawat remittances ng ating mga kababayan na nagtatrabaho bilang kasambahay dito sa UAE habang bulag, pipi at bingi sa mga pagpapahirap na dinaranas ng ating mga kababayan" pahayag ni Nhel Morona, Secretary General ng Migrante international-UAE.
"Sinasabing tayo ngayon ay dumadaan sa landas na matuwid, ngunit taliwas ito sa dinadaanang matinik ng bawat OFW. Sapagkat nananatiling walang paninindigan at kongretong pagkilos para proteksyunan at ipagtanggol ang karapatang pantao ng mga Pilipinong manggagawa lalo na ang mga kasambahay" pahayag pa ni Morona matapos mapabalita ang 3 kasambahay na dinukot at sinaktan ng diumano'y employer ng isa sa mga dinukot.
Nakatakas ang isa sa 3 dinukot matapos ipilit ilusot ang kanyang sarili sa butas na lalagyan ng exhaust fan sa loob ng palikuran na pinagkulungan sa kanya. Kusa namang pinalaya ang isa pa sa mga dinukot matapos mapag-alaman na siya'y Muslim. Ayon sa mga nakatakas, sinaktan sila habang nakagapos ang mga paa at nais pa sanang ipagahasa sa mga kaibigan ng mga employer kung hindi kaagad nakatakas. Isang Pilipinang kasambahay na lang ang naiwan sa poder ng mga dumukot. Pinaghihinalaan ng 2 nakatakas na ang dumukot sa kanila ay employer ng kasamang naiwan.
Humingi ng tulong ang 2 nakatakas sa Migrante International para maisalba ang naiwang kababayan. Dinala ng Migrante ang 2 kasambahay sa Konsulado at iniharap sa Consul General. Maalwang tinanggap ng Consul General ang 2 at iminungkahing ikostudiya sa POLO-OWWA habang inaalam ang pangalaan at kinaroroonan ng kanilang mga employer. Nangako rin ang kinatawan ng OWWA na aalamin nila ang kalagayan ng visa ng 2 sakaling humaharap sila sa kasong absconding.
Ipinanawagan naman ng Migrante na kailangang magtulungan ang Konsulado at Embahada para hanapin ang naiwan sa mga dinukot at iligtas ito sa kamay ng kanyang employer. "Sa lalong madaling panahon, kailangang matunton ang kinaroroonan ng kasambahay at masampahan ng kasong pagmamaltrato ang kanyang employer" paggigiit ni Morona.
Ipinagtataka naman ng Gabriela-UAE, isang organisasyong pangkababaihan, kung bakit inutil at walang kibo magpahanggang ngayon ang DFA, POEA at DOLE sa papadaming kaso ng pagmamaltrato sa ating mga kababayang kasambahay dito sa UAE.
"Mabuti pa ang Konsulado ng India, mayroon silang ipinapatupad na kondisyon sa mga employer para siguruhin na protektado ang karapatan ng kanilang mga kababayang nagtatrabaho bilang kasambahay dito sa UAE. Wala nito ang ating pamahalaan, pagpapakita na mukha talagang walang pagmamalasakit ang ating gobyerno sa mga kababayang kasambahay" wika ni Jhasmin Castillo- Cipriano, Coordinator ng Gabriela-UAE.
Ayon sa Gabriela-UAE, maglalatag sila ng mungkahing pamamaraan kay Amb. Grace Princesa na kung saan ay magbibigay pahalaga sa karapatang pantao ng mga kababayang kasambahay.
"Hindi kailangang magpatumpik-tumpik ang ating Ambasadora sa hirap at pasakit na dinaranas ng mga Pilipinang kasambahay, bilang isang babae kailangan niyang kumilos para pangunahan ang pagtatanggol sa ating mga kababayan" panawagan ni Castillo-Cipriano.
No comments:
Post a Comment